Tinitiyak ni House Committee on Public Order and Safety Chair Rolando Valeriano na bibigyang-tuon at masusing pag-aaralan ng Kongreso ang kaso ng mga nawawalang sabungero.
Ayon kay Valeriano, hindi lamang sapat ang pagdakip sa mga suspek na responsable sa mga pagkawala; kailangan umanong umabot ang mga kaso sa isang pinal at hindi na mababawing hatol upang lubos na matiyak ang pagkamit ng hustisya para sa mga biktima at kanilang mga mahal sa buhay.
Binigyang-diin ni Valeriano ang mga nakaraang kontrobersiyal na kaso na sa kasamaang palad ay nabasura at hindi umusad dahil sa mga teknikalidad.
Kabilang na aniya dito ang mga pagkakamali sa paghahain ng sakdal, pagkawala ng mga testigo na sana’y magpapatotoo, nasirang chain of custody ng mga ebidensya, at kakulangan ng sapat at matibay na ebidensya upang mapatunayan ang pagkakasala ng mga akusado.
Dahil dito, nanawagan siya sa Department of Justice na tiyaking matibay ang mga kasong isasampa sa korte, upang sa gayon ay hindi mabigo ang pagkamit ng hustisya para sa mga biktima ng krimen at kanilang mga pamilya na umaasa sa katarungan.
Kaugnay nito, sa 18 akusado na may warrant of arrest na inilabas ng korte, si Atong Ang na lamang sa kasalukuyan ang hindi pa nahuhuli at hawak ng mga awtoridad.















