-- Advertisements --

Ginalugad ng National Bureau of Investigation (NBI) Laguna District Office ang isa pang farm sa San Pablo, Laguna na pagmamay-ari umano ng isang politiko na posibleng pinagtataguan ng puganteng si Atong Ang.

Ito ay para isilbi ang arrest warrant laban sa negosyante na nahaharap sa mga kaso ng kidnapping at serious illegal detention kaugnay sa kaso ng mga nawawalang sabungero.

Subalit ayon sa Punong Barangay na si Maximo Castillo, wala sa lugar si Ang at hindi siya namataan doon. Aniya, sa kaniyang pagkakaalam ang naturang farm ay pagmamay-ari ni AKO Bisaya Representative Sonny Lagon at pinabulaanan din niya ang mga ulat na nagtatago roon si Ang at tinawag ito na haka-haka lamang.

Matatandaan, nauna ng idinawit ng whistleblower na si Julie Patidongan ang mambabatas na bahagi umano ng grupong nakipagkita kay Ang para pag-usapan ang mga isyung may kinalaman sa mga nawawalang sabungero, subalit mariing pinasingunalingan ni Lagon ang paratang at tinawag na walang basehan, malisyoso at mapanira. Nilinaw din niyang walang nangyaring pulong sa pagitan nila ni Ang at nanindigang legal ang e-sabong.

Itinanggi rin ng Barangay Chairman ang umano’y paglapag ng isang helicopter sa naturang farm, na tinatayang nasa 100 ektarya at ginagamit para sa mga panabong.

Nitong Huwebes, Enero 15, inanunsiyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla ang patong sa ulo ni Ang na nagkakahalaga ng P10 milyong para sa pagkakaaresto ng negosyante, na itinuturing na bilang “number 1 most wanted” sa Pilipinas.