Nakahanda ang Office of the Ombudsman na magbigay ng proteksyon sa nagbitiw na mambabatas na si dating Ako Bicol Representative Zaldy Co matapos magpahayag ng takot para sa kaniyang buhay.
Sa unang inilabas kasi na video ni Co nitong Biyernes, kaniyang isiniwalat na noong pauwi na sana siya ng Pilipinas tinawagan siya ni dating House Speaker Martin Romualdez at sinabihang huwag bumalik ng bansa at pinagbantaang papatayin kung magsasalita siya laban sa kanila. Sinabi rin ni Co na ginamit siyang panakip butas para sa kampaniya ng adiministrasyon laban sa korapsiyon.
Sa isang statement ngayong Sabado, Nobiyembre 15, iginiit ng Ombudsman na “ang kaligtasan ng isang testigo ay mahalaga sa hinahanap na katotohanan.”
Matagal na rin aniyang bukas ang pinto ng Ombudsman sa dating mambabatas para ipresenta ang kaniyang ebidensiya at kung takot aniya ang dahilan ng kaniyang pag-iwas, tiniyak ng Ombudsman na bibigyan siya ng proteksiyon.
Hindi naman sang-ayon ang Ombudsman sa paraan ng pagpapahayag ni Co ng kaniyang panig sa pamamagitan ng paglalabas ng isang video sa halip na magsalaysay sa tanggapan. Kayat kanila aniyang masusing susuriin ang mga ibinunyag ni Co gaya ng kailangang pagdaanan ng lahat ng testigo.
Bagamat inamin nito na mabagal minsan ang proseso, ito aniya ang paraan upang masigurong ang hustisiya ay matibay at hindi haka-haka lamang.
Sa huli, hinimok ng Ombudsman si Co na umuwi ng bansa, isumite ang kaniyang salaysay, ipaberipika ang kaniyang mga pahayag at sumailalim sa parehong proseso na pinagdadaanan ng lahat
















