-- Advertisements --

Inianunsyo ngayon ni Office of the Press Secretary officer in charge Usec Cheloy Garafil na pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang proclamation na nagdideklara sa October 31 ngayong taon bilang special non working holiday.

Sinabi ni Garafil na ito ay para mabigyan ng mahaba-habang panahon ang ating mga kababayan na gunitain ang panahon ng todos los santos.

Ang October 31 ay Lunes kaya magiging long weekend ang bago magkatapusan ng buwan o mula Sabado, October 29 hanggang sa November 1, All Saints Day, araw ng Martes.

Dahil dito, sinabi ni Garafil na may sapat na panahon para makauwi sa kani-kanilang lalawigan ang ating mga kababayan para bisitahin ang kanilang mga namayapang mga mahal sa buhay hanggang muling makabalik kung saan man sila naninirahan o nagtatrabaho.