-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Energy (DOE) nitong araw na kahit hindi nagkroon nang pagpapasabog sa dalawang oil sites sa Saudi Arabia ay inaasahan pa rin na tataas ang presyo ng mga produktong petrolyo ngayong linggo.

Sinabi ni Atty. Rino Abad, director ng DOE Oil Industry Management Bureau, na ito ay dahil sa pagtaas ng international market price ng mga produktong petrolyo at bunsod na rin ng pagbaba ng halaga ng piso.

Ayon kay Abad, naranasan na rin ng Pilipinas ang kaparehas na oil price hikes noong Enero dahil sa supply losses sa Iran at Venezuela.

“Ang nangyari ngayon, noong buong week na ‘yun, nagkaroon tayo ng… para magkaroon ng klarong detail, ‘yung nangyari sa diesel natin, nag-increase ang per barrel ng US$4.41. ‘Yung gasoline nag-increase ng US$6.90 per barrel. ‘Yung kerosene, US$4.61 per barrel. ‘Yung forex (foreign exchange) natin, sumabay pa, um-increase ng 30 centavos per US dollar,” ani Abad sa isang panayam.

“Ito ‘yung ine-expect natin dahil sa combination ng mga increases ng mga per barrel market, international market price plus ‘yung forex na 30 centavos ay talagang mai-increase tayo next week,” dagdag pa nito.

Iginiit ng opisyal na ang pagtukoy ng presyo ng mga produktong petrolyo ay hindi lamang nangyayari sa Saudi Arabia, maging ang pagbabago sa oil supplies ay hindi naman direktang nakakaapekto sa global fuel prices.

Nangyayari aniya ang mga ito sa pagitan ng mga trading hubs sa iba’t ibang bansa sa mundo tulad ng Singapore kaya nagkakaroon ng price discovery capability

“Itong mga trading price natin ay ginagawa doon sa mga trading hub, hindi sa Saudi direkta, which is sa part ng Asia and Asia-Pacific region. Isa sa mga naging successful ay ‘yung Singapore trading hub,” saad nito.