Nanawagan si Manila City Mayor Isko Moreno sa Senado na idamay sa kanilang isinasagawang imbestigasyon ang mga flood control projects sa kanilang lungsod na siyang isa sa pinakanalubog sa baha nitong nagdaang pagulan.
Ayon sa alkalde, umapela na siya sa Senado hinggil dito lalo na at kasalukuyan nang tinatalakay ng Senate Blue Ribbon Committee ang tungkol sa mga umanoý ghost flood control projects kung saan ilan sa mga partikular na distrito na nais ipaimbestiga ngayon ni Moreno ay ang 2nd, 3rd at 6th District ng Maynila.
Aniya, sana ay imbestigahan din ng senado ang mga kongresista na sangkot sa mga ganitong klase ng mga transakyon at dapat din aniyang alamin kung bakit nangingialam ang mga ito sa proyekto na siyang dapat ay nasa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Samantala, hinihiling naman ng alkalde na maipatupad na ng maayos ang mga flood control projects na ito dahil isa ito sa mga nakikitang solusyon upang maiwasan ang matataas na pagbaha sa malalaking bahagi ng bansa tuwing may makakaranas ng malalakas na pagulan ang bansa.