CAGAYAN DE ORO CITY – Nagpulong kaagad ang Filipino community sa Gitnang Silangan kung saan tinalakay nila ang ipapatupad nilang contengency measures sakaling lumala pa ang tensyon sa pagitan ng Iran at Estados Unidos.

Ito ay matapos magbanta ang Iranian government na maghigihanti laban kay US President Donald Trump na umamin na kanyang ipinag-utos ang pagpatay kay Quds Force head Gen. Qasem Soleimani dahil tumutulong umano sa armadong grupo sa Iraq para atakehin ang tropa ng Washington.

Sa ipinaabot na mensahe ng Jordan based Pinay worker na si Marjorie Majorenos, taga-El Salvador City, Misamis Oriental na coordinator ng Bantay Kasangga International-Middle East Filipino Community, nababahala ang mga overseas Filipino workers (OFW) na maaring magdulot pa ng malaking tension ang bangayan ng Amerika at Iran.

Inihayag ni Majorenos na hindi umano nagustuhan ng OFWs ang ginawa ng Amerika dahil maaring maiipit sila sa nangyaring bangayan ng Iran.

Katunayan, naghigpit na rin umano ng seguridad ang buong Iran at walang pinahihintulutan na media entities na maka-ere habang pinagluluksa ang pagkamatay ni Soleimani.