Nakabalik na sa bansa ang anim sa 17 Pilipino crew ng lumubog na MV Magic Seas matapos atakihin ng Houthi rebels noong Lunes, Hulyo 7.
Dumating sila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Clark International Airport ngayong araw ng Huwebes, Hulyo 11.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), tatlo sa mga marino ang lumapag sa NAIA bandang 4:30 ng hapon at sinalubong ng mga kinatawan mula sa DMW at MIAA Medical Team.
Kabilang sa mga dumating sa NAIA ang Chief Officer, 2nd Officer, at 3rd Officer ng barko. Samantala, tatlong iba pang crew, karamihan ay mga inhinyero, ang lumapag sa Clark International Airport sa parehong oras.
Bilang tulong, nakatanggap ang mga seafarers ng P75,000 bawat isa mula sa DMW-AKSYON Fund at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Emergency Repatriation Fund, at karagdagang P10,000 mula sa DSWD.
Isinailalim ang mga ito sa agarang medikal na pagsusuri.
Tiniyak naman ni DMW Assistant Secretary Francis Ron De Guzman na patuloy ang suporta ng gobyerno, alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., upang matulungan ang mga marino sa kanilang reintegration.
Nagbigay rin ang OWWA ng pansamantalang hotel accommodation at transportation para matiyak ang ligtas nilang pagbabalik sa kanilang mga pamilya.