Naniniwala ang abogado ng mga biktima ng umano’y extrajudicial killings (EJKs) na malabong kilalanin ng International Criminal Court (ICC) ang Senate resolution para sa house arrest ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ang naging pahayag ni Atty. Kristina Conti kasunod ng inihaing resolution ni Senator Alan Peter Cayetano sa Mataas na Kapulungan na naglalayong isailalim sa house arrest ang dating Pangulo habang inaantay ang posibleng paglilitis sa umano’y kasong crimes against humanity sa Setyembre 23.
Kung saan ilan sa mga binanggit na basehan ay ang humihinang kalusugan ng dating Pangulo dahil na rin sa katandaan at matagal na social isolation na maaaring magpalala sa kaniyang pisikal at emosyonal na kalusugan.
Subalit ayon kay Atty. Kristina Conti lumalabas na walang patunay sa medical status ng dating Pangulo sa inihaing resolution dahil wala naman umanong pruweba si Sen. Cayetano na nabisita niya ang dating Pangulo at pawang hearsay lamang.
Mainam aniya kung may maipresentang facts subalit wala naman umano at lumalabas na ito ay political posturing ng isang sangay ng gobyerno o para makalikom ng political support sa pamamagitan ng pag-apela sa emosyonal o madamdaming paraan.
Ipinaliwanag pa ni Atty. Conti na kahit saan man aspeto hindi kikilalanin ng international tribunal ang naturang resolusyon na tila nanghihimasok sa kanilang mga proseso.
Ayon pa kay Atty. Conti, ang hiling ng kampo ng dating Pangulo para sa kaniyang interim release ay isang usapin na kailangang talakayin sa pagitan ng mga prosecutor kasama ang defense at mga hukom.
Matatandaan nauna ng inihayag ng mismong anak ni ex-PRRD na si Vice President Sara Duterte maging ang malapit na kaalyado ng dating Pangulo na si Senator Bong Go na buto’t balat na ang former president habang nananatili sa detention facility ng ICC sa The Hague, Netherlands.