VIGAN CITY – Dead on arrival sa Magsingal District Hospital ang isang overseas Filipino worker (OFW) na nagbakasyon lamang sa Barangay Panay Norte, Magsingal, Ilocos Sur matapos itong mabangga ng isang kotse sa national highway ng Barangay Parada, Sto. Domingo.

Nakilala ang biktima na si Emma Labitag Obrero, 36, may-asawa at residente ng Barangay Panay Norte, Magsingal, samantalang ang nagmaneho naman sa kotse na nakabangga sa biktima ay si Lorenzo Luis Naval Madamba, 31, isang nurse at residente ng Barangay Namruangan, Cabugao, Ilocos Sur.

Base sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan mula kay Capt. Christopher Ramat, hepe ng Sto. Domingo municipal police station, mabilis umano ang takbo ng kotse kaya hindi na nito nakita ang tumawid na biktima na kakababa lamang sa sinakyan nitong bus galing sa Metro Manila.

Sa lakas ng impact ng pagkabangga ng biktima, nakalakadkad pa ito ng ilang metro mula sa lugar kung saan ito nabangga ng kotse.

Dahil dito, nagtamo ng grabeng sugat sa ulo ang biktima na rason ng kaniyang agarang kamatayan.