-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Justice na mayroong sangkot umano na ilang matataas na opisyal ng gobyerno sa pagkawala ng mga hindi pa natatagpuang mga sabungero.

Ayon mismo kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, kasama ito sa mga isinawalat ng lumantad na testigong kinilala bilang si alyas ‘Totoy’.

Ngunit kanyang paglilinaw na ito’y kanila pang patuloy na iniimbestigahan at pinag-aaralang mabuti upang tuluyang matukoy ang katotohanan sa likod ng pagkawala ng mga sabungero.

Giit kasi niya na hindi ito isang ordinaryong kaso lamang ngunit kanyang itinuring ang isyu bilang organisadong krimen kaya’t masusing pag-iimbestiga ang kanilang ipinatutupad.

Dahil dito ay ibinahagi pa ni Justice Secretary Remulla ang kanyang pag-iingat lalo na sa mga impormasyong inilalabas sa publiko.

Maalala na kanyang unang sinabi na matagal niya ng nakausap ang testigong isa sa mga akusado na kinilala bilang si alyas ‘Totoy’.

Bago pa raw mag-eleksyon ay nakapanayam na raw ng kalihim si alyas ‘Totoy’ kaya’t hawak na raw ng kagawaran ang impormasyong isinawalat ito.

Hiling ni Justice Secretary maging sa mga kaanak ng mga nawawalang sabungero na bigyan siya ng karagdagan pang panahon upang magkaroon ng kaliwanagan sa naturang kaso.

Matatandaan sa isang panayam na inilantad ng kinilalang testigo na si alyas ‘Totoy’ na ang mga nawawalang sabungero ay pinatay at inilibing sa bahagi ng Taal Lake.

Idinagdag din nito na hindi lamang raw 34 sabungero ang nawawala kundi nasa 100 katao ang kasama sa mga naging biktima ayon sa kanyang mga ibinahagi na sinabi naman ni Justice Sceretary Jesus Crispin Remulla.

Sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang kanilang pag-iimbestiga kasabay ng pagtitiyak ng kagawaran na hindi nila pinababayaang makalimutan na lamang ang naturang isyu.