-- Advertisements --

Ibinunyag ni dating presidential spokesman Atty. Harry Roque na may isang organisasyon na tumutulong sa kaniya para sa kaniyang asylum application sa Netherlands.

Sa isang video message, sinabi ng abogado na nakipagpulong siya sa naturang organisasyon kasama ang kaniyang abogado upang ayusin ang mga hawak na ebidensiyang magagamit sa kaniyang aplikasyon.

Kabilang dito aniya ang mga ebidensiyang nalikom mula dito sa Pilipinas.

Inihalimbawa ni Roque ang paghahain ng isang non-bailable case laban sa kaniya na tinukoy niya bilang pinakamatibay na ebidensiyang magagamit upang patunayan na siya ay humaharap sa political persecution.

Tinukoy din ni Roque ang kaniyang sarili bilang ‘most popular’ na nag-apply ng asylum, kaya’t mahalaga aniya na lagi siyang handa para sa kaniyang aplikasyon.

Muli ring binigyang-diin ng batikang abogado na hindi niya mapapatawad ang pamilya Marcos dahil sa napipilitan siyang mag-apply ng asylum sa Netherlands sa gitna ng kinakaharap na political persecution.

Una nang inilabas ng Angeles City Regional Trial Court Branch 118 ang arrest warrant laban kina Roque, Filipino-Chinese businesswoman Cassandra Ong, at iba pang indibidwal dahil sa umano’y kaugnayan ng mga ito sa iligal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Pampanga.

Mariin namang iginigiit ng dating presidential spokesperson na inosente siya sa naturang kaso.