-- Advertisements --

Nagpatupad na ng mga contingency measure ang Office of Civil Defense (OCD) bilang paghahanda sa posibleng paglala ng aktibidad ng Bulkang Mayon sa Albay.

Ayon kay OCD spokesperson Junie Castillo, naka-preposition na ang mga kinakailangang resources at nakalatag na rin ang mga plano sa pakikipag-ugnayan sa mga local government units (LGUs), lalo na kaugnay ng posibleng pagpapalawak ng evacuation sa permanent danger zones.

Dagdag niya, patuloy ang koordinasyon ng OCD sa iba pang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang agarang pagtugon sakaling lumala ang sitwasyon.

Gayunman, sinabi ng OCD na sa ngayon ay wala pang nakikitang pangangailangan ang PHIVOLCS na itaas ang alert level ng bulkan.

Matatandaang nagbuga ng makapal na abo ang Mayon nitong mga nakaraang araw, na nakaapekto sa ilang komunidad, habang nananatiling nakaalerto ang mga awtoridad sa posibleng biglaang pagputok nito. (Report by Bombo Jai)