-- Advertisements --

Nagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng panibagong lava effusion at collapse-fed pyroclastic density currents (PDCs) sa Bulkang Mayon pasado hatinggabi ng Martes, Mayo 26, 2026.

Ayon sa PHIVOLCS, nagpapatuloy na sa ika-141 araw ang effusive eruption ng bulkan.

Ibinahagi ng state volcanologists ang sped-up camera footage ng pagdaloy ng lava at PDCs sa mga gully ng Bonga, Basud, at Mi-isi na naitala dakong 10:53 p.m. at 11:42 p.m. noong Lunes, at alas-12:32 ng madaling araw nitong Martes.

Mas maaga ring iniulat ng PHIVOLCS noong Lunes ng gabi ang panibagong lava effusion na may kasamang collapse-fed PDCs at minor Strombolian activity sa bulkan.

Batay sa monitoring ng ahensya, dumaloy ang lava at volcanic materials sa Mi-isi at Basud gullies dakong 7:20 p.m. at 7:26 p.m. noong Mayo 25.

Nanatiling nasa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon, na nangangahulugang nasa estado ito ng intensified unrest o magmatic unrest.