Naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pagdaloy ng lava at pagbuo ng collapse-fed pyroclastic density currents (PDCs) o mas kilala bilang “uson” sa Bulkang Mayon nitong Miyerkules ng gabi.
Ayon sa PHIVOLCS, naobserbahan ang lava effusion dakong alas-9:16 ng gabi noong Hulyo 1, 2026.
Sinabi ng ahensya na nagpapatuloy ang effusive eruption ng Bulkang Mayon sa ika-178 magkakasunod na araw.
Patuloy itong naglalabas ng lava, pyroclastic density currents o “uson,” at nagdudulot ng mga pagguho ng bato sa mga dalisdis ng bulkan.
Dahil dito, nananatiling nakataas ang Alert Level 3 sa Bulkang Mayon, na nangangahulugang may umiiral pa ring mataas na antas ng pag-aalboroto nito.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa patuloy na banta ng pagputok ng bulkan.















