-- Advertisements --

Nakapagtala ang state volcanologists ng panandaliang lava fountaining sa bunganga ng Mayon Volcano noong Lunes ng gabi, ilang oras matapos maobserbahan ang minor strombolian activity.

Makikita sa sped-up camera footage video ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang pagbuga ng lava mula sa summit crater ng bulkan, na indikasyon ng patuloy na aktibidad.

Sa pinakahuling datos, umabot na sa ika-98 araw ang tuloy-tuloy na effusive eruption ng Mayon, na may kasamang pagdaloy ng lava, pyroclastic density currents o “uson,” at madalas na rockfall.

Patuloy na pinaaalalahanan ng PHIVOLCS ang publiko na nananatili ang Alert Level 3 sa Mayon Volcano, at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometer permanent danger zone dahil sa banta ng biglaang pagsabog at iba pang panganib sa lugar.