-- Advertisements --

Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa posibleng pagtaas ng antas ng Mayon Volcano patungong Alert Level 4 dahil sa patuloy na pinalakas na aktibidad nito kasunod ng naitalang pagputok.

Inihayag ni PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol na bagama’t nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan, nagpatuloy pa rin ang mga alboroto nito kabilang ang isang minor strombolian activity nitong madaling-araw na tumagal ng 41 segundo at naglabas ng 300-meter plume.

Sinabi ng opisyal na isa sa kanilang maingat na binabantayan ay ang Real-Time Seismic Amplitude Measurement (RSAM) na sumusukat sa average na lakas ng mga naitalang seismic signal sa bawat takdang agwat ng oras.

Binigyang-diin ni Bacolcol na ang RSAM at iba pang volcanic parameters ang pangunahing batayan ng kawanihan upang matukoy kung kinakailangan nang itaas ang status sa Alert Level 4.

Gayunpaman, ipinaliwanag ng direktor na batay sa mga kasalukuyang nakikitang datos at sitwasyon sa paligid ng bulkan, nananatili pa rin ito sa kasalukuyan sa Alert Level 3.

Matatandaang itinaas ng PHIVOLCS ang katayuan ng bulkan noong Oktubre 30 matapos itong magkaroon ng isang moderate explosive eruption na nagbunsod ng pagpapatupad ng mga kaukulang pag-iingat.