Lubos na sinusuportahan ng Independent Election Monitoring Center (IEMC) ang desisyon ng Commission on Elections (Comelec) na pansamantalang ihinto ang mga paghahanda para sa nakatakdang halalan sa Oktubre 13 sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ang hakbang na ito ay kasunod ng kautusan ng Korte Suprema na pansamantalang ipatigil ang implementasyon ng Bangsamoro Autonomy Act 77 (BAA 77).
Ayon sa Comelec, tama lamang na itigil ang preparasyon dahil wala sa BAA 77, maging sa dating BAA 58 na binawi na, ang maaaring magsilbing legal na batayan para sa halalan sa mga parliamentaryong distrito ng BARMM.
Nanawagan ang IEMC sa Korte Suprema, Comelec, at sa Bangsamoro Transition Authority (BTA) na agad lutasin ang mga legal na usapin kaugnay ng Regional Parliamentary Elections upang maisakatuparan ang halalan sa itinakdang petsa o sa pinakamalapit na posibleng panahon.
Binigyang-diin ng independent group na ang sunod-sunod na pagpapaliban ng halalan sa BARMM ay nakasisira sa integridad ng proseso ng eleksyon at nagpapahina sa tiwala ng mamamayan sa eleksyon bilang mahalagang paraan ng pagpapahayag at representasyon sa pamahalaan.
Ang IEMC ay isang Comelec-recognized election monitoring body para sa BARMM Regional Elections.
















