-- Advertisements --

Kinumpirma ng Department of Justice na mayroong kinakaharap na bagong reklamo si former Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co kaugnay sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Justice Spokesperson Atty. Polo Martinez, sinampahan ng National Bureau of Investigation ang dating mambabatas ng ‘plunder complaint’.

Bukod tangi aniya ang reklamong plunder na kinakaharap ni Zaldy Co mula sa pitong panibagong ‘complaints’ na idinala sa kagawaran.

Paglilinaw naman ng tagapagsalita na hiwalay pa ito sa naunang 5-kaso may kinalaman rin sa maanomalyang flood control projects.

Ang anim raw kasing panibagong flood control related cases ay mga proyektong iniulat na kumpleto na ngunit wala namang makitang natapos o ‘non-existent’ sa Bulacan.

Ibig sabihin, may limang kaso ang natapos na noong nakaraan taon ng Disyembre habang ang anim namang nababanggit ay panibagong nadagdag na natanggap ng kagawaran.

Ang isa pang hiwalay ay ang karagdagan sa inihain ng National Bureau of Investigation na ‘plunder complaint’ laban kay Zaldy Co.

Giit naman niya na hindi pare-pareho ang ‘timeline’ sa pagsasagawa ng ‘preliminary investigations’ ng mga reklamong inihain ng kawanihan sa kagawaran ng katarungan.

Ang iba raw kasi ay nasa ‘reception of the complaint and evidence stage’ pa lamang at ang iba nama’y nasa paghahain na ng ‘counter affidavits’ ng mga respondents.

Kabilang sa mga ‘respondents’ ng magkahiwalay na reklamo sa Department of Justice ay sina former Sen. Bong Revilla at Sen. Joel Villanueva.

Kanilang kinakaharap ang reklamong Direct Bribery, Corruption of Public Officials, at Malversation through Falsification ng paglabag sa Republic Act 9184 at 3019.

Ang dating mambabatas naman na si Zaldy Co ay mayroong pagkakataon para magsumite ng kontra salaysay hanggang ika-15 ng Enero sa kasalukuyang taon.