Iginiit ng kampo ni yumaong Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral na hindi iniwasan ng dating opisyal ang pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) kaugnay sa maanomaliyang flood control projects.
Ayon sa abogado ni Cabral na si Atty. Mae Divinagracia, hindi sila nakatanggap ng abiso o subpoena mula sa komisyon.
Paliwanag pa ng abogado na humarap na si Cabral sa ICI noong Setyembre 2025 at pinayuhang maghintay na lamang ng subpoena kung kakailanganin.
Binigyang-diin ng abogado na nanatiling handa ang kaniyang kliyente na makipagtulungan sa imbestigasyon.
Sinabi naman ni ICI spokesperson Brian Hosaka na naglabas ang komisyon ng subpoena noong Disyembre 9 sa pamamagitan ng DPWH at ang huling pagdinig para sa 2025 ay noong Disyembre 15.
Aniya, muli sanang iimbitahan si Cabral kung nagkaroon pa ng pagdinig, ngunit naantala ito dahil sa pagbibitiw ng dalawang komisyoner at sa pagpanaw ni Cabral noong Disyembre 18.
Matatandaang nakaladkad ang pangalan ni Cabral sa umano’y maanomaliyang flood control projects kasunod ng isiniwalat ni dating DPWH Usec. Roberto Bernardo sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noong Nobiyembre 14 na si Cabral at dating DPWH Sec. Manuel Bonoan umano ang nagpalakad ng kickback system sa DPWH.
.















