Itinaas na ng Phivolcs sa Alert Level 3 ang Mayon volcano nitong Martes, Enero 6, 2026.
Ayon sa abiso ng ahensya, dahil sa dome collapse aasahan ang kasunod na pyroclastic density current (PDC).
Ito umano ang nagbunsod para iakyat ang alerto sa mas mataas na level.
Ang PDC ay tinatawag ding “uson” ng mga residente at ito ang posibleng makapinsala sa mga nasa paanan ng bulkan.
Kaya naman, bagama’t dati nang bawal pumasok sa danger zone, mas lalo ngayong naghigpit ang mga otoridad sa mga nagpupumilit makapasok sa restricted area.
Una rito, mula sa Alert Level 1, itinaas ito sa Alert Level 2 noong Enero 1, 2026 dahil sa pagdami ng rockfall events at inflation ng bulkan.
Naitala ang 43 insidente mula sa pagpasok pa lamang ng bagong taon.
Samantala, ang Civil Aviation Authority ay nagpalabas ng babala sa mga piloto na umiwas sa paligid ng Mayon hanggang 11,000 feet dahil sa panganib ng biglaang phreatic eruptions.
















