CAUAYAN CITY – Isinusulong ng Integrated Bar of the Philippines ( IBP) sa Korte Suprema na gawing virtual o online ang oath taking ng mga bagong pasang abogado sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo Egon Cayosa, IBP President, sinabi nito na panahon na para gumamit ng panibagong teknolohiya sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ayon kay Cayosa, sakaling matuloy ang kanilang rekomendasyon, ito ang unang pagkakataon sa kasaysayan na gagawing online ang oath taking.
Napapanahon lamang aniya ito lalo pa at umiiral ang enhanced community quarantine at general community quarantine, kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang mass gatherings.
Bukod dito, sinabi ni Cayosa na magiging mas mabilis at matipid din aniya ang oath taking kung isagawa ito online.