Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang P2,000 across the board na umento sa honoraria ng mga guro at poll workers na magsisilbi sa 2025 midterm elections sa araw ng Lunes, Mayo 12.
Sa isang statemenr, sinabi ni DBM Sec. Amenah Pangandaman na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa kalihim, ang bagong honoraria rates para sa mga magsisilbing electoral board chairperson ay P12,000 mula sa dating P10,000,
Makakatanggap naman ang poll clerk at 3rd member ng P11,000 honoraria mula sa dating P9,000 habang ang support staff naman ay makakatanggap na ng P8,000 mula sa dating P6,000.
Ayon sa ahensiya, naglaan ng P7.4 billion sa 2025 General Appropriations Act (GAA) para sa sahod ng mga poll worker.
Base sa data ng Commission on Elections (Comelec), inihayag ng DBM na nasa 758,549 ang kabuuang bilang ng poll workers para sa national at local elections.
Hinimok naman ni Sec. Pangandaman ang poll body na tiyakin na makukuha ng mga guro at poll workers ang kanilang compensation nang agaran hangga’t maaari.