-- Advertisements --

Tatanggalin na ng Department of Agriculture (DA) ang maximum suggested retail price (MSRP) sa mga produktong baboy na ibibenta sa merkado dahil sa mababang compliance sa mga retailer.

Ayon kay DA USec. for Livestock Constante Palabrica, nakatakdang ianunsiyo ang pagaalis ng MSRP sa naturang produkto sa loob ng 24 oras.

Isasagawa ang naturang hakbang habang pinaga-aralan pa kung paano ipapatupad nang mas maayos ang MSRP at para mahikayat ang mga pork retailers na sumunod dito.

Ipinaliwanag naman ng DA official na nahihirapan ang mga pork retailer na sumunod sa MSRP dahil sa mababang suplay ng baboy sa gitna pa rin ng patuloy na problema sa African Swine Fever at maraming demand ng naturang produkto nitong halalan.

Simula kasi nang ipatupad ang naturang polisiya noong Marso 10, tanging nasa 30% lamang ang sumunod sa MSRP sa produktong baboy.

Nauna ng itinakda ng DA ang MSRP sa P380 kada kilo para sa liempo, P350 kada kilo para sa kasim at pigue na ibinibenta sa mga palengke sa Metro Manila at P300 kada kilo para sa karneng baboy na ibinibenta ng traders sa mga retailers maliban sa supermarkets at hypermarkets.