Naglunsad ang Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng isang ‘Kadiwa’ program para mga Pilipinong mangingisda sa West Philippine Sea (WPS).
Tinawag ang bagong inisyatiba bilang “Kadiwa ng Bagong Bayaning Mangingisda (KBBM) Program”.
Layunin ng programa na mas mahikayat ang mas marami pang mga Pilipino na mangisda sa WPS partikular na sa may Panatag o Scarborough Shoal sa kabila ng pangha-harass ng mga barko ng China.
Gayundin, layunin ng PCG at BFAR na mapalakas pa ang presensiya ng mga Pilipino sa mga katubigan sa western seaboard ng ating bansa.
Ayon kay PCG spokesperson for the WPS Commodore Jay Tarriela, ipinadala ang fish carrier na pagmamay-ari ng pamahalaan na MV Mamalakaya para dalhin ang programa sa mga mangingisdang Pilipino kung saan naglayag ito malapit sa Panatag kahapon, Mayo 9 para bilhin ang kanilang mga huling isda at nagbigay rin ng fuel subsidies.
Bandang hapon, nakabili ang Mamalakaya ng 20 tonelada ng sariwang huling isda na itinuturing na isang magandang simula ng programa.
Inihayag din ng PCG official na target ng programa na mapahusay pa ang kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino habang pinaparami ang suplay ng isda sa ating bansa at maitaguyod ang aktibong mga aktibidad ng pangingisda sa WPS.
Samantala, idineploy din ang barko ng PCG na BRP Gabriela Silang at isa sa mga eroplano nito para magbigay ng suporta at mag-obserba sa naturang aktibidad.