Mariing kinondena ng Pilipinas ang kamakailang paglulunsad ng North Korea ng ballistic missiles.
Kaugnay nito, nanawagan ang PH sa NoKor na agad itigil ang napaulat na ballistic missile launch at pinaalalahanang sumunod sa lahat ng international obligations nito kabilang ang UN Security Council Resolutions at mag-commit para sa mapayapa at konstruktibong dayalogo.
Sa isang statement, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang ganitong provocative actions ay nakakasira sa progreso, kapayapaan at katatagan sa Korean Peninsula at Indo-Pacific region.
Nauna ng iniulat ng South Korean military na naglunsad ang NoKor ng multiple short-range ballistic missiles sa may east coast para suriin marahil ang performance at stability ng projectiles para sa export.
Ayon sa SoKor, inilunsad ang missiles mula sa Wonsan, eastern coastal city ng NoKor noong Mayo 8. Lumipad ito hanggang sa 800 kilometro bago bumagsak sa dagat.