BAGUIO CITY – Iniimbestigahan na ngayon ng pulisya sa Garland City, Texas, USA ang pagkamatay ng isang nurse na tubong Benguet matapos itong mabiktima ng hit-and-run.

Nakilala itong si Joyce Cawis, 46, ng Tomay, La Trinidad, Benguet kung saan may dalawa itong anak at nagtatrabaho bilang nurse sa isang ospital sa Garland City.

Batay sa report, patungo sana ang biktima sa kanyang trabaho lulan ng kanyang sasakyan na Toyota 4Runner nang mabunggo ito ng isang quad-cab pickup.

Nakita sa video footage ng CCTV camera na mabilis ang takbo ng nasabing pickup bago bumunggo sa biktima.

Nakita rin ang pagtakas ng driver ng pickup sa pamamagitan ng paglulan nito sa ibang sasakyan.

Dinala ang biktima sa ospital kung saan siya nagtatrabaho para sa medical treatment ngunit pumanaw pa rin ito.

Patuloy na ina-alam ngayon ng mga otoridad ang pagkakakilanlan ng driver ng pickup na suspek sa kaso.

Nakatakda namang magbigay ng $5,000 ang grupong Crime Stoppers sa sinumang makapagbigay ng impormasyon na magreresulta sa pagkahuli ng suspek.

Napag-alamang nagtapos si Cawis sa Saint Louis University sa Baguio City noong 1993.