-- Advertisements --

Iginiit ni Marikina 1st District Congressman-elect Marcelino “Marcy” Teodoro na tinanggihan umano siya na i-proklama ng local COMELEC ng Marikina 1st District. Ngayong araw, inilabas na rin COMELEC En Banc ang entry of judgement at certificate of finality na nagpapaproklama kay Teodoro bilang nanalong kinatawan ng 1st District ng Marikina.

Nagkaroon ng tensyon sa tanggapan ng COMELEC Marikina matapos sumugod ang mga taga-suporta ni Teodoro. Ito ay dahil sa pagkaantala sa kanyang proklamasyon sa kabila ng naging desisyon ng COMELEC En Banc.

Sinabi ni Teodoro na wala siyang nakikitang dahilan para i-delay ang kanyang proklamasyon dahil nakalagay na rin sa naging desisyon ang immediate proclamation. Aniya, sa naging kilos ng election officer ay tila naging partisan ito at may pinapanigan. Dagdag pa niya na ang pagkaantala sa kanyang proklamasyon ay hindi lamang nakakaapekto sa kanya bilang indibidwal ngunit pati na rin sa distrito na kanyang kinakatawan.

Kaugnay pa nito, magsasampa rin ang kampo ni Teodoro ng kasong administrative at grave abuse of discretion sa Ombudsman laban sa local election officer.

Samantala, nilinaw naman ni Garcia kailangang maglabas muna ng abiso ang City Board of Canvassers (CBOC) ng Lungsod ng Marikina bago maiproklama si Teodoro bilang nanalong kinatawan ng Unang Distrito ng lungsod. Ito ay kasunod ng tensyon sa kanilang local COMELEC.

Dagdag pa ni Garcia, ang CBOC ng Marikina ang may responsibilidad sa pagpapatupad ng proklamasyon, at hindi ang COMELEC mismo. Ipinaliwanag niya na ang CBOC ay independent body na binubuo ng local election officer, city prosecutor, at division superintendent.

Sinabi rin niya na maaaring ipatupad ang kautusan ng proklamasyon anumang oras, ngunit binigyang-diin niya na ang CBOC ay may sariling mandato na hindi kayang kontrolin ng COMELEC.