Sisimulan na ng Commission on Elections (COMELEC) ang pag-imprenta ng mgaopisyal na balota para sa Bangsamoro Parliamentary Elections (BPE) sa darating na ika-walo ng Setyembre, sa National Printing Office sa Quezon City.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, aabot sa mahigit 2.3 milyong balota ang iimprenta at inaasahang matatapos sa loob lamang ng pitong araw kasama na ang proseso ng beripikasyon.
Batay kasi sa ulat ng Project Management Office ng poll body, iniurong ang pag-imprenta para masuri pa nang mabuti ang kabuuan ng batas. Pagtitiyak ni Garcia na hindi naman ito magiging mahirap para sa komisyon dahil nasa 2.3M lang ang kailangang balota. Magdadagdag na rin sila ng mga tauhan sa National Printing Office upang mapabilis ang proses ng beripikasyon.
Naantala ang naunang iskedyul ng pag-iimprenta matapos makatanggap ng impormasyon ang tanggapan na maaaring maapektuhan ang ballot face template dahil sa panukalang batas na nagrere-distribute ng pitong parliamentary seats.
Kasunod ng desisyon ng Korte Suprema na hindi na kabilang ang Sulu sa Bangsamoro region, muling inayos ang alokasyon ng mga puwesto.
Kaugnay pa nito, magkakaroon din ng adjusment sa deployment ng mga election paraphernalia dahil sa nangyaring paglilipat. Kakailanganin din ng 12 araw para naman i-reconfigure o ayusin ang gagamiting mga Consolidated Canvassing (CCS) na mahalaga sa pagtanggap ng boto ng mga Automated Counting Machines.
Sinigurado naman ni Garcia ang mga taga-Bangsamoro na matutuloy ang kanilang parlyamentong halalan Oktubre 13. At may sapat pang oras ang poll body para sa mga pagbabago na gagawin.