Ibinunyag sa pagharap sa Senate Blue Ribbon Committee ng mag-asawang kontratista na sina Sarah at Curlee Discaya ang umano’y malawakang katiwalian sa likod ng mga proyekto ng gobyerno, kung saan idinawit nila ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga mambabatas, kabilang sina Rep. Elizaldy Co at Speaker Martin Romualdez.
Ayon kay Sarah Discaya, nagsimula ang lahat nang manalo sa mga proyekto ang kanilang kompanyang St. Gerrard Construction sa pamamagitan ng patas na bidding.
Dahil dito, nagtatag pa sila ng karagdagang mga kumpanya. Ngunit kalaunan, aniya, nagsimulang lumapit sa kanila ang mga district engineers, regional directors ng DPWH, at mga chiefs of staff ng mga mambabatas, na nag-aalok ng proyekto kapalit ng pera.
“Noong nagsimulang makilala ang St. Gerrard Construction… unti-unti nang nagsilapitan ang mga opisyal at staff ng mga mambabatas na nagsasabing pondo raw ito ng mga kongresista,” pahayag ni Sarah.
Sinubukan umano nilang i-report ang mga insidente sa DPWH, ngunit hindi ito pinansin. Sa halip, sinabi sa kanila na kung nais nilang magpatuloy sa pagkuha ng proyekto, kailangan nilang magbigay ng porsyento sa mga mambabatas. Kung hindi, aalisin umano sila sa listahan ng mga kwalipikadong kontratista.
“Hindi namin ginusto kailanman na mapasama sa ganitong sistema, pero kailangan naming magpatuloy para sa pamilya at mga empleyado namin,” dagdag ni Sarah.
Ibinunyag din ni Curlee Discaya na matapos manalo sa bidding, may mga opisyal ng DPWH na lumalapit upang humingi ng 10% hanggang 25% na bahagi sa proyekto, bilang kondisyon para hindi maipit ang implementasyon.
Pinangalanan ng Discaya couple ang mga sumusunod na opisyal at mambabatas na umano’y sangkot sa anomalya:
Terrence Calatrava
Roman Romulo
Jojo Ang
Patrick Michael Vargas
Arjo Atayde
Nicanor Briones
Marcelino Teodoro
Florida Robes
Eleandro Jesus Madrona
Benjamin Agarao Jr.
Florencio Gabriel Noel
Leody “Odie” Tarriela
Marvin Rillo
Reynante Arrogancia
Teodoro Haresco
Antonieta Eudela
Dean Asistio
Marivic Co Pilar
Ayon kay Curlee, ang mga kinatawan ng mga mambabatas ay personal na nakipag-ugnayan sa kanila upang kunin ang sinasabing kickback.
Binanggit din niya na karaniwang sinasabi ng mga DPWH personnel na ang pera ay para kay Zaldy Co, at dapat ay hindi bababa sa 25%.
Nagpahayag ang Discaya couple ng kahandaang magsilbing state witnesses upang ilantad ang umano’y sabwatan sa pagitan ng mga mambabatas, ahensya ng gobyerno, at mga tauhan nito.
Nanawagan din sila ng proteksyon mula kay Sen. Rodante Marcoleta at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil sa banta sa kanilang kaligtasan. Giit pa ni Curlee, wala silang ghost projects, at ang lahat ng kanilang kontrata ay may aktwal na implementasyon.
Sa ngayon, patuloy pang hinihintay ang opisyal na pahayag mula sa panig nina Romualdez at Co, pati na ng iba pang isinasangkot sa alegasyon.