-- Advertisements --

Ipinagtanggol ng aktres na si Ynez Veneracion si Quezon City 1st District Representative Arjo Atayde laban sa mga alegasyon ng pagkakasangkot sa umano’y maanumalyang flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa Facebook post noong Setyembre 11, sinabi ni Ynez na nakita niya ang malinis na intensyon ni Atayde sa pagtakbo sa Kongreso, at iginiit na ang mga ari-arian ng pamilya kabilang ang mga resthouse at yacht —ay naipundar bago paman umano pumasok sa pulitika si Arjo.

Nabatid na kaibigan ni Ynez ang ina ni Arjo na si Sylvia Sanchez, at sinabi niyang matagumpay ang pamumuhay ng pamilya dahil sa sipag at tiyaga, hindi sa “shortcut” o korapsyon.

”Those trying to tarnish the Atayde family’s reputation with lies and inconsistencies should be held accountable. They are the real thieves stealing not only from the people but also from the truth” ani Veneracion. Dagdag pa niya, dapat din managot ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon at pumipinsala sa reputasyon ng pamilyang Atayde.

Matatandaan na nabaling sa mata ng publiko ang marangyang pamumuhay ng pamilya Atayde matapos madawit si Arjo sa mga umano’y maanomalyang proyekto ng mag-asawang kontratistang sina Sarah at Curlee Discaya.

Una nang itinanggi ni Arjo ang akusasyon, habang ang kanyang asawang si Maine Mendoza ay nagbanta ng legal na aksyon laban sa mga mapanirang paratang.