-- Advertisements --

Nasa ilalim na ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) ang apat na kinatawan ng Quezon City, dahil sa umano’y pagkakadawit sa flood control scandal.

Kinabibilangan ito nina Representative Arjo Atayde, Patrick Michael Vargas, Marivic Co-Pilar at dating Congressman Marvin Rillo.

Ang apat na kongresista ay pawang kasama sa request ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na maisyuhan ng ILBO na ipinadala nito kahapon (Oct. 8) sa Department of Justice (DOJ).

Kung babalikan ang naunang serye ng pagdinig na isinagawa ng Kamara de Representantes at Senado, pawang nabanggit ang pangalan ng mga kongresista sa testimoniya ng mga resource person na ipinatawag sa Congressional hearing.

Posibleng nabanggit din ang pangalan ng mga ito sa sariling pagdinig ng ICI, dahilan upang hilingin ng komisyon ang paglabas ng lookout bulletin sa laban sa kanila. Gayonpaman, hindi rin ito malinaw dahil bukas sa publiko ang naturang pagdinig.

Una nang pinabulaanan ng aktor na ngayo’y kinatawan ng QC na si Atayde ang alegasyon ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na nakinabang siya sa mga maanomalyang government contract. Giit ni Atayde, hinding-hindi siya nakipag-ugnayan sa mag-asawang contractor.

Sa ngayon, hindi pa nagbibigay ng komento sina Representative Vargas (5th District), Co-Pilar (6th District) at Rillo (former 4th District representative) kasunod ng ILBO request ng independent commission.

Kung babalikan, mula noong 2022 ay tumanggap ang QC ng hanggang P17 billion na halaga ng mga flood control project sa ilalim ng Department of Public Works and Highways. Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, marami sa mga naturang proyekto ay substandard, hindi gumagana, at ang iba ay pawang ghost project lang.