Sinamantala ng Denver Nuggets ang pagliban ni LeBron James upang gibain ang Los Angeles Lakers, 128-104, at maitala ang ikaanim nilang sunod na panalo.

Dinomina nang husto ng Nuggets ang second half ng laban kung saan namayani sa kanilang hanay si Paul Millsap na kumamada ng 21 points.

Hindi rin nagpaawat sina Garry Harris na nagdagdag ng 19 points, Nikola Jokic na may 18 points, Malik Beasley na umiskor ng 16 points at Will Barton III na nagtala ng 14 points at 13 rebounds para sa Nuggets.

Ito ang unang pagkakataon ngayong season na hindi nakapaglaro si James dahil sa dinaranas nitong thoracic muscle strain.

Bunsod nito, sumandal ang Lakers kay Anthony Davis na kumubra ng 32 points at 11 rebounds, maging kay Kyle Kuzma na humugot ng 16 points.

Nakamit na ngayon ng Lakers ang kanilang ikatlong sunod na pagkabigo buhat nang magwagi ng pitong magkakasunod.

Sa Martes, tutungo ang Nuggets sa Phoenix para sa ikalawa at huling game ng kanilang two-game trip.

Habang makakaharap naman ng Lakers ang Clippers sa araw ng Pasko na tapatan din ng top teams sa Western Conference.