-- Advertisements --

Kumpyansa ang isang economic analyst na malaki ang tsansa na magkaroon ng pagbagal sa inflation o ang galaw ng presyo ng mga bilihin sa Pilipinas.

Ayon kay Prof. Astro del Castillo ng Capital Market Institute of the Philippines, ito ay posibleng mangyari kung pagtutuunan ng pansin ng gobyerno ang programang susuporta sa sektor ng agrikultura at sektor ng enerhiya sa bansa.

Ginawa ni Castillo ang pahayag matapos ang naging ulat ng Philippine Statistics Authority na nagkaroon ng bahagyang pagbilis ng inflation rate noong Hunyo sa 1.4 percent .

Aniya, napapanahon na para ipatupad ang Land Use Act na siyang proprotekta sa agricultural at forestry areas ng Pilipinas.

Punto pa ng eksperto na kailangang mag-doble kayod ang mga mambabatas upang maisabatas ang mga panukalang batas na magpapalakas sa sektor ng agrikultura at sektor ng enerhiya.

Ito rin kasi aniya ang nagbibigay ng direktang epekto sa mga presyo ng mga pangunahing bilihin sa Pilipinas.