Kumayod nang husto si Nikola Jokic nang pumoste ito ng 21 points, 12 rebounds at 11 assists upang maitabla na ng Denver Nuggets sa 2-2 ang kanilang semifinal series ng Portland Trail Blazers, 116-112.

Ito’y dalawang araw makaraang matakasan ng Blazers ang Nuggets sa makasaysayang laro noong Sabado na umabot sa apat na overtime.

Nanguna sa lahat ng mga scorers si Jamal Murray na tumabo ng 34 points para sa Denver, na ibinigay din sa Portland ang una nitong pagkabigo sa postseason sa home.

Pinuri naman ni Nuggets coach Michael Malone ang ipinamalas na performance ng kanilang team, na patunay aniya ng kanilang katatagan bilang isang koponan.

“Our guys are tough. We’re resilient,” wika ni Malone. “I mean, to come in here and win this game 36 hours after losing in four overtimes, speaks to just how tough we are.”

Samantala, hindi naman nagbunga ang 29 points ni CJ McCollum, maging ang 28 points ni Damian Lillard para sa Blazers.

Babalik namang muli ang serye sa Denver para sa Game 5 ng kanilang sagupaan.