-- Advertisements --

Naniniwala si National Security Adviser Eduardo Año na walang dahilan upang buwagin ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).

Sa halip na buwagin aniya, mas nakabubuting suportahan pa ang naturang task force dahil sa mga nakamit nitong tagumpay sa kampaniya kontra insurgency at pagsupil sa mga Local Communist Terrorist Group sa unang bahagi ng 2025.

Ibinida ni Año ang maraming mga malalayong barangay na naabot ng Barangay Development Program na pangunahing proyekto ng tas force. Nagagawa aniya ng grupo na pagbutihin ang sitwasyon ng mga ito at iposte ang tuloy-tuloy na paglago ng ekonomiya sa kabila ng dating impluwensya ng mga rebeldeng grupo.

Maliban pa ito aniya sa kolaborasyon nito sa Local Amnesty Boards kung saan maraming mga rebelde ang nahihikayat na magbalik-loob sa gobiyerno.

Ang mga dating rebelde ay nabibigyan din ng mas maayos na kinabukasan, nagagawa nilang makapiling muli ang pamilya, at makabuo ng mas maayos na komunidad sa pamamagitan ng intervention ng NTF-ELCAC.

Giit ng NSA, nagiging instrumento ang naturang task force upang mailapit ang gobiyerno sa mga dating rebelde, at maprotektahan ang mga komunidad laban sa posibleng impluwensya ng mga ito. (Report by Bombo Jai)