Inihayag ng National Bureau of Investigation ang matagumpay na pagkakaaresto sa isang indibidwal na notorious scammer at rapist sa lungsod ng Maynila.
Alinsunod sa direktiba at utos ni NBI Director Retired Judge Jaime B. Santiago, ikinasa ng NBI Criminal Intelligence Division ang isang entrapment operation katuwang ang pag-asiste ng NBI-Fraud and Financial Crimes Division.
Kanilang naaresto ang naturang notorious scammer at rapist na kinilalang si Erick Pascual Balsomo sa Malate, Maynila.
Sinasabing nag-ugat ang kaso ng makatanggap ng reklamo ang kawanihan laban kay Balsomo na ipinakikilala ang sarili bilang empleyado ng Land Transportation Office.
Kaya umano raw nito mag-facilitate sa pagproseso ng LTO driver’s license at registration ng mga behikulong motor kapalit ang kaukulang pera.
Nang iberipika ito ng Land Transportation Office, kanilang isiniwalat na si Balsomo ay hindi nila empleyado at hindi otorisadong magsagawa ng opisyal na transaksyon.
Sa patuloy na pagba-background check sa naarestong indibidwal, natuklasang mayroon din itong ‘warrant of arrest’ sa ‘non-bailable offense’ kaugnay ng kinakaharap na kasong ‘Statutory Rape’.
Bunsod nito’y sa ikinasang entrapment operation at pag-serve ng warrant of arrest ay naaresto si Balsomo habang kasabay ng paghuli sa kanya ay naaktuhan pa itong may dalang patalim, itinuring na ‘flagrante delicto’.
Nahaharap siya sa mga reklamong paglabag ng Article 177 o ang Usurpation of Authority and Official Function, Estafa, Illegal Use of Fictitious Name at inirekumenda din siyang mapanagot sa dala nitong ‘deadly weapon’.