-- Advertisements --

LAOAG CITY – Itinaas na sa red alert status ang Northern Luzon Command bilang paghahanda sa posibleng epekto ng Bagyong Uwan.

Ayon kay Maj. Al Anthony Puebla, hepe ng Public Information Office ng Northern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines, naipadala na ang lahat ng search, rescue, at retrieval teams sa kani-kanilang nasasakupan.

Aniya, may kabuuang 350 teams ang Northern Luzon Command na binubuo ng humigit-kumulang 3,500 personnel na nakatalaga sa iba’t ibang bahagi ng Central at Northern Luzon.

Kasama rito ang mga puwersa mula sa Joint Task Force Kaugnay sa Region 3, Joint Task Force Tala na nakabase sa Region 1, Region 2, at Cordillera Administrative Region, Northern Luzon Naval Command, at Tactical Operations Group sa Northern Luzon.

Bukod dito, nakahanda na rin ang kanilang mga assets, kabilang ang land, sea, at air assets, na nakaantabay sa iba’t ibang lugar.

Ipinahayag ni Puebla na mahigpit ang koordinasyon nila sa lahat ng lokal na pamahalaan at iba’t ibang ahensya, lalo na sa mga Local Disaster Risk Reduction and Management Offices sa Luzon, upang matiyak ang mabilis na pagtugon at pagbibigay ng tulong.

Tiniyak din niya na ang mga naideploy na personnel ay sumailalim sa Water Search and Rescue training.

Samantala, pinaalalahanan ni Puebla ang publiko na manatiling alerto at makipagtulungan sa mga awtoridad sa anumang abiso upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente.