Pormal nang sinampahan ng dalawang bilang ng kasong murder ang tatlong suspek sa pagpatay kay Police Senior Master Sergeant Diane Marie Mollenido at sa kanyang walong taong gulang na anak na si John Ysmael, ayon sa Quezon City Police District (QCPD) nitong Martes.
Sa inilabas na pahayag ng QCPD, sinabi na nakakita ang piskal ng prima facie evidence o sapat na ebidensiya na may makatwirang posibilidad ng hatol laban sa mga suspek na kinilalang car agent na si “Pia Katrina,” kanyang asawang si “Christian,” at isang kasabwat na si “Gil.”
Ayon sa pulisya, matapos ang masusing imbestigasyon, inirekomenda ang pagsasampa ng dalawang bilang ng murder laban sa mga suspek at walang inirekomendang piyansa.
Samantala, nilinaw ng QCPD na ang isa sa mga unang tinukoy na suspek na si “Maribel,” kapatid ni Christian, ay inalis na sa kaso at ituturing na lamang bilang saksi.















