-- Advertisements --

Ibinasura ng Pasig City Prosecutor’s Office ang kasong frustrated murder na isinampa laban sa isang pulis na na-video habang tinutulak ang isang motorcycle rider sa gitna ng alitan sa trapiko sa kahabaan ng C5 Road.

Ang reklamo ay isinampa ng Quezon City Police District (QCPD) laban kay Staff Sergeant Erwin Lagua matapos kumalat online ang video ng insidente.

Una nang naghain ang QCPD ng mga kasong slight physical injuries at malicious mischief laban kay Lagua, ngunit kalaunan ay binago ito bilang frustrated murder alinsunod sa direktiba ni National Police Commission (Napolcom) executive officer Rafael Vicente Calinisan.

Matatandaang pinuna ni Calinisan sina Lt. Col. Edison Ouano, hepe ng QCPD Criminal Investigation and Detection Unit, at Cpl. Benito Catungal dahil umano sa “wrongful and deliberate downgrade” ng kaso.

Dahil dito, ipinag-utos din ni Calinisan ang relief nina Ouano at Catungal sa kanilang mga puwesto at inatasan ang Napolcom inspection, monitoring and investigation service na imbestigahan ang dalawang opisyal.

Gayunpaman, sa inilabas na resolusyon noong Mayo 15, sinabi ng Pasig prosecutor’s office na walang sapat na ebidensya upang ituloy ang kasong frustrated murder at malicious mischief laban kay Lagua.

Ayon pa sa piskalya, hindi maaaring sampahan ng malicious mischief ang pulis dahil itinulak lamang umano nito ang motorsiklo ng complainant na si Jhone Vincent Cayanes matapos siyang habulin para komprontahin.