-- Advertisements --

Pinaigting pa ng kapulisan sa Bulacan ang pagsawata sa mga gumagawa ng mga iligal na paputok habang nalalapit ang pagdiriwang ng Pasko at Bagong taon.

Partikular na dito ang mga paputok na mapanganib na sumasabog na may mga agaw-pansing pangalan, tulad na lamang ng mga hinango sa mga nagpasabog ng rebelasyon sa korapsiyon sa flood control projects gaya nina Curlee at Sarah Discaya, Zaldy Co, gayundin ang pangalan ni Senator Imee, na nagsiwalat na gumagamit umano ng iligal na droga ang kaniyang kapatid na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at malalakas na bagyong tumama sa bansa na Tino at Uwan.

Subalit, ayon kay Bulacan Police director Col. Angel Garcillano, anuman ang itawag sa mga paputok, nananatili pa ring iligal ang mga ito.

Babala niya na maaaring arestuhin, kasuhan ang mga manufacturer ng iligal na paputok at kukumpiskahin at sisirain ang kanilang mga produkto.

Ipinag-utos din ng Bulacan Police Director sa lahat ng mga hepe sa probinsiya na kumpiskahin ang mga iligal na paputok bago pa man ang holiday season.