ILOILO CITY – Isinailalim na sa red alert status ang buong rehiyon ng Western Visayas matapos ang patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan na dala ng Bagyong Verbena, ayon sa Office of the Civil Defense (OCD) Region 6.
Walang inaasahang storm surge sa mga baybayin ng rehiyon, ngunit nagbabala ang ahensya na maaari pa ring tumaas ang lebel ng tubig-dagat. Kapag nagsabay ang high tide at malakas na ulan, posibleng magdulot ito ng coastal flooding.
Bagama’t tropical depression lamang ang Bagyong Verbena, iginiit ng OCD na kritikal pa rin ang ulan na dala nito. Pinaalalahanan ang publiko na manatiling alerto at huwag ipagsawalang-bahala ang banta ng pagbaha at pagguho ng lupa.
Naka-standby na ang mga Search and Rescue Response teams na pinangungunahan ng 3rd Infantry Division Philippine Army, katuwang ang Philippine Coast Guard, Bureau of Fire Protection, at Philippine National Police upang agad makaresponde sa anumang insidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Ret. Col. Cornelio Salinas, hepe ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), mariin niyang pinaalalahanan ang publiko na alamin ang history ng landslide at pagbaha sa kani-kanilang lugar. Aniya, mahalagang maging handa sa posibleng paglikas patungo sa mga itinakdang evacuation centers.
Dahil sa bagyo, suspendido ang klase ngayong araw sa lungsod ng Iloilo at sa karamihan ng mga bayan sa rehiyon.
















