Kinumpirma ng Northern Luzon Command (NolCom) na naglabas ng alert memorandum ang kanilang intelligence chief kung saan pinapa alerto nito ang intel community dahil sa umano’y planong pag atake ng teroristang ISIS sa mga pampublikong lugar gaya ng simbahan at mosque.
Apat na siyudad umano ang target ng mga terorista ang Laoag City, Vigan City, Manaoag sa Pangasinan at Tuguegarao City.
Nais umano palabasin ng mga terorista na away ito sa pagitan ng mga Muslim at Kristiyano.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Nolcom Spokesperson Maj. Ericson Bulosan, sinabi nito na walang katotohanan ang nasabing impormasyon dahil nasa proseso pa lamang sila sa pag validate sa nasabing report.
Sinabi ni Bulosan mahigpit ang pakikipag-ugnayan ng Nolcom sa PNP at maging sa mga barangays at Muslim communities duon.
Pinaiimbestigahan na rin ni NolCom chief Lt. Gen. Ramiro Rey kung sino ang nagpakalat ng alert memo mula sa kanilang intelligence chief na sanay confidential ito.
Panawagan naman ng Nolcom sa publiko huwag agad magpaniwala sa mga hindi validated na reports.
Samantala, ayon naman ni AFP spokesperson Marine Brig. Gen. Edgard Arevalo, kumukilos na ang kanilang intelligence community para ma validate ang nasabing impormasyon.
Paliwanag ni Arevalo, ang nasabing memo ay bahagi ng kanilang Standard Operating Procedures (SOP) na alamin ang katotohanan sa likod ng impormasyon upang agad makapaglatag ng karampatang aksyon sa pakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya ng pamahalaan sa aspeto ng seguridad.
Tiniyak ni Arevalo sa publiko na kailanman hindi nila hahayaan na mamayani ang karahasan saan mang panig ng bansa.