Tiniyak ng Philippine Army ang kanilang kahandaan na magbigay ng seguridad sa mga magsasagawa ng inspeksyon sa mga maanomalyang flood control projects, lalo na sa mga lugar na dati nang pinamugaran ng mga armadong grupo.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu kay Col. Louie Dema-Ala, tagapagsalita ng Philippine Army, binigyang-diin nito na hindi nawawala o umaalis ang hukbong sandatahan sa mga nasabing lugar na dati nang naimpluwensyahan ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army.
Ayon kay Col. Dema-Ala, tuloy-tuloy ang development efforts ng Philippine Army katuwang ang mga lokal na pamahalaan.
Partikular na tinukoy nito ang pagpapatupad ng mga programa upang masiguro ang pagpapatuloy ng mga naabot na tagumpay at upang maihatid ang mga pangunahing serbisyo ng pamahalaan sa mga mamamayan.
Dagdag pa niya, nananatiling committed ang Philippine Army na maging katuwang sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan para sa seguridad ng mga proyektong isinasagawa sa mga lugar na ito.