Aminado ang Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) na hirap silang matunton ang mga nasa likod ng deepfakes lalo na ang mga ginagamit para sa pornography o kalaswaan.
Ayon kay CICC Acting Executive Director Aboy Paraiso, kadalasan aniya nasa labas ng Pilipinas ang mga salarin sa likod ng deepfake.
Aniya, hindi tulad ng fake news at illegal gambling activities, mahirap ma-detect ang deep fake sa social media bagamat pinasalamatan naman ng opisyal ang socmed platforms sa kanilang mabilis na aksiyon para tanggalin ang deepfake materials.
Ipinaliwanag din ng opisyal na ang problema pagdating sa pornographic at adult content, sa dark web ginagawa ng mga criminal ang transaksiyon sa ganitong mga bagay at hindi sa socmed.
Kung saan bulnerable sa ganitong scheme ang mga actor at influencers dahil lantad at madaling makuha ang kanilang mga larawan sa social media.
Subalit, binigyang diin ng opisyal na pinapaigting pa nila ang kanilang pagsisikap para mapigilan ang lalo pang paglaganap ng ganitong gawain.
Suportado naman ng CICC official ang mas maigting pa na regulasyon at mga batas para malabanan ang deepfake.
Matatandaan, isa ang aktres na si Angel Aquino sa nabiktima ng deepfake porn gayundin ang anak ng social media influencer na si Queen Hera kung saan ginamit ang larawan ng kaniyang anak sa dark web.
Kapwa nagpahayag ng pagkondena ang dalawa laban sa deepfake porn sa kanilang pagharap sa pagdinig ng Senate Committee na pinamumunuan ni Senator Risa Hontiveros noong Huwebes na nagiimbestiga sa nakakabahalang deepfake porn.