-- Advertisements --

Pirmado na ni US President Donald Trump ang executive order para sa rebranding o pagpapalit ng pangalan ng Pentagon bilang Department of War.

Ginawa ng US President ang paglagda sa Oval office sa White House nitong Biyernes, Setyembre 5, local time.

Ayon kay Trump, mas akma ang bagong pangalan ng departamento bunsod na rin aniya ng kasalukuyang estado ng mundo at ipinagmalaking mayroon silang pinakamalakas na militar sa buong mundo.

Sa naturang EO, pinapahintulutan ang Secretary of Defense, Department of Defense at subordinate officials na gamitin ang ikalawang katawagan bilang Secretary of War, Department of War at Deputy Secretary of War sa official correspondence, public communications, ceremonial contexts at non-statutory documents sa loob ng executive branch. Halos agad namang sinimulan ng mga opisyal na ipatupad ito.

Ipinag-utos din sa lahat ng executive departments at agencies na kilalanin ang bagong secondary titles sa internal at external communications at inatasan si Defense Secretary Pete Hegseth na magrekomenda ng mga aksiyon, pareho sa lehislatura at ehekutibo, na permanenteng tawagin ang US Department of Defense bilang US Department of War.

Mapapansin naman na binago na ng Pentagon officials ang signage sa labas ng opisina ni Hegseth gayundin sa website ng departamento na may nakalagay ng US Department of War sa itaas ng Department of Defense.

Ayon kay Hegseth ang pagbabago ng pangalan ng departamento ay hindi lamang tungkol sa “renaming” kundi hinggil ito sa “restoring” kung saan ang kanilang militar ay hindi lamang tututok sa depensa kundi maging sa opensa at sumasalamin din aniya ang revamp sa ahensiya ng pagusbong ng warriors o mandirigma hindi lang ng defenders.

Hindi naman tiyak sa ngayon kung kakailanganing dumaan pa sa Kongreso para permanenteng mapalitan ang pangalan ng US Defense department.