Kasalukuyan nang nagooperate ang bagong naval base sa probinsiya ng Batanes.
Ito ay ang Mahatao forward operating base (FOB) na nakikitang magpapalakas pa ng pagdepensa sa teritoryo ng bansa, humanitarian assistance at disaster response capabilities sa pinaka-hilagang parte ng bansa.
Pinangunahan ni Northern Luzon Command (NOLCOM) commander Lt. Gen Fernyl Buca ang inagurasyon ng bagong naval base noong araw ng Huwebes, Agosto 28.
Ayon naman kay NOLCOM public information office chief Lt. Col. Mario Bautista Jr., nakabase ang naval base sa coastal town ng Mahatao, na maghohost sa Navy at Marine units sa ilalim ng Northern Luzon Naval Command (NLVC) at Marine Battalion Landing Team-10.
Naatasan ang naturang units na protektahan ang Batanes Strait, bantayan ang maritime activities at suportahan ang interagency operations.
Inihayag din ng NOLCOM official na may strategic value ang Batanes bilang pinakamalapit na probinsiya ng bansa sa Taiwan at nagsisilbi ding gateway pareho sa West Philippine Sea at Philippine Sea.
Kayat magpapalakas pa aniya ang Mahatao naval base sa kakayahan ng ating bansa na protektahan ang soberaniya, palawigin pa ang maritime domain awareness at mabilis na makatugon sa emergencies sa northern frontier.