-- Advertisements --

Inirekumenda ng panel of Ombudsman prosecutors sa Sandiganbayan ang ‘no bail’ para kay former Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co kaugnay sa kaso nitong kinakaharap.

Kasunod nang maihain ang unang flood control cases sa korte, rekomendasyon naman ng Ombudsman na di’ na makapagpyansa pa ang dating mambabatas.

Ayon mismo kay Assistant Ombudsman Mico F. Clavano, ito ang naging rekomendasyon ng prosekusyon sa partikular na kasong malversation laban kay former Cong. Zaldy Co.

Alinsunod aniya raw ito sa kung anong nakasaad sa batas at sa ipinaliwanag na sumobra sa halagang 8.8 million pesos ang nadiskubreng ‘malversed funds’.

Habang kanyang ibinahagi na naghain din ng mosyon ang Ombudsman upang magsagawa ng ‘urgent raffle’ ang korte ukol sa mga kaso.

Pati agaran pag-isyu ng ‘warrant of arrest’ at ‘hold departure order’ kontra sa dating mambabatas ay hiniling rin ng tanod-bayan.

Bukod kay Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co, sinampahan rin ng kasong kriminal ang ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways sa Region IV-B, at board of directors ng Sunwest Corporation.

Kanilang kinakaharap ang Malversation of Public Funds through Falsification of Public Documents, at paglabag sa Section 3e ng Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.

Habang sinampahan din ng hiwalay o isa pang kaso si Zaldy Co sa paglabag nito ng Section 3(b) ng RA 3019 sa pagtanggap ng ‘unwarranted financial’ o ‘pecuniary benefits’.

Patungkol ang naturang mga kaso sa maanomalyang proyekto at konstruksyon ng Road Dike sa Mag-Asawang Tubig River sa Naujan, Oriental Mindoro sa Region IV-B.

Giit ni Assistant Ombudsman Clavano na ito’y base na rin sa inspeksyon ng Department of Public Works and Highways, sa sinasabing substandard ang ginamit na mga materyales.