Nilinaw ng National Food Authority (NFA) na walang nabubulok na bigas sa mga bodega nito sa Iloilo at Cagayan, taliwas sa mga lumabas na kritisismo laban sa ahensiya.
Sa pahayag na inilbas ng ahensiya, nakasaad dito na natanggap ng NFA management ang impormasyon ukol sa umano’y mga nabubulok na bigas sa dalawang nabanggit na lugar, na hindi na rin maaaring ibenta at kainin.
Pero ayon sa ahensiya, wala itong katotohanan.
Sa ilalim ng NFA Cagayan, tahasang sinabi ng ahensiya na walang sira at bulok na bigas sa mga bodega ng naturang provincial office.
Sa NFA Iloilo, sinabi ng NFA na dati nitong natanggap ang naturang impormasyon noon pang July 2025 at agad umanong nagsagawa ng joint inspection ang mga opisyal ng NFA Central Office.
Nakumpirma dito na may mga infestation na nangyari sa mga bodega ngunit agad din umano itong inaksyunan ng central office, kasama ang paglalaan ng akmang disiplinary action.
Ayon sa ahensiya, hindi nito hinahayaang mangyari ang mga iregularidad na maaaring makasira sa tungkulin at trabaho ng ahensiya.
Mayroon na umanong audit report na nailabas dahil sa naturang isyu at nakapaglabas na ng Show Cause Order laban sa mga responsable.