Last batch of NFA imported rice being unloaded in Subic. No more importation under the new Rice Tariffication Law.

VIGAN CITY – Aminado ang isang opisyal ng National Food Authority (NFA) na marami sa kanilang mga empleyado ang maaapektuhan ng nakatakdang pagpapatupad ng Rice Tarrification Law matapos na mapirmahan ang Implementing Rules and Regulation (IRR) nito.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni NFA-OIC Administrator Tomas Escares, kahit na dumadaan sila ngayon sa restructuring sa tulong ng Governance Commission for GOCCs, tuloy pa rin umano ang serbisyong kanilang ibinibigay sa mga magsasaka.

Aniya, kahit wala na umano ang regulatory powers ng NFA sa pag-aangkat at pagbebenta ng bigas dahil sa nasabing bagong batas ay maiiwan naman sa kanila ang responsibilidad sa pagsiguro na mayroong sapat na buffer stock sa bigas ang bansa.

Ang tinutukoy na regulatory power ng NFA ay ang kapangyarihan nitong i-regulate ang pag-aangkat at pagbebenta ng bigas sa pamamagitan ng pagbibigay ng lisensya sa mga retailers at wholesellers o lahat ng may kinalaman sa grain industry.

Sa isyu nang pagbuwag ng NFA, sinabi ni Escares na hindi ito maaaring mangyari dahil sa bawat bansa sa buong mundo ay mayroong ahensya na nakatutok sa pambansang seguridad sa pagkain at dito sa Pilipinas, ang NFA ang responsable rito.

-- Advertisement --

Ngunit, inamin nito na posibleng baguhin ang pangalan ng NFA dahil nakadepende naman umano ito sa mga policymakers sa bansa.

Una nang napaulat na aabot sa 400 na mga empleyado ng NFA ang maaapektuhan ng nasabing batas na may kinalaman sa regulatory, licensing, registration at monitoring.

Base sa nakasaad sa batas na tanging trabaho lamang ng NFA ay matiyak na may sapat na buffer stock.

Tiniyak na rin ni Escarez sa mga empleyado ng NFA na magagawan nila ito ng remedyo para sila ay magpatuloy sa pagtatrabaho.